Michaela Grace

Ang tagal naming hinintay na mag karon ng kapatid si Ezekiel. Kaya naman noong nag buntis ako sa second baby namin ay tuwang tuwa ako. It’s an answered prayer from the Lord. Ni hindi ko rin inaasahan yung way nag pag ka panganak ko sa kanya.

Naaalala ko pa noong mga panahon na ipinag darasal ko pa lang sa Panginoon na kung bibigyan Nya ako ng pag kakataon na mag karon pa ng anak, gusto ko sana ay babae, at papangalanan ko syang Michaela Grace.

At tinugon nga ni Lord ang prayer ko, nung mag positive ang PT ko nung October 2018. Kaya lang noong nag pa ultrasound ako, sabi ng Dr. most probably the baby is a boy. Kung boy, sabi ko papangalanan ko na lang na Elijah. Kung di will ni Lord na babae ang anak ko, mas alam ni Lord ang plan Nya sa baby.

Naging mahirap ang pag lilihi ko at pag bugbuntis. And on my 34th weeks, sa di inaasahang pag kakataon, kumain kami ni Ezekiel sa labas, may nakain akong di maganda. Nag diarrhea ako at nag suka. Pag gising ko na lang mapait na ang panglasa ko. At nasusuka ako. But not unlike my usual morning sickness, iba itong isa na ito. Masama ang pakiramdam ko, pero pinilit kong pumasok sa work. Inihatid ko si Ezekiel sa paalagaan at dumiretso na ako sa trabaho.

Nagsusuka pa rin ako at pang limang beses ko nang nag babawas, parang nanghihina na ako, at iba na ang sakit ng tyan ko. Parang di na diarrhea ito. More on labor pain na. Nag paalam ako sa mga katrabaho na pupunta ako ng hospital.

Nag lakas loob akong mag drive, wala naman akong aasahan. Ako lang. Si Mr. nasa laot pa. Di pa sya tumatawag. Di ko alam kung kelan sya makakauwi. May 14, 2019 noon. Monday, at 10 in the morning nung pumunta ako sa hospital. Medyo gloomy ang araw na ito.

Habang nag da drive nakaramdam ako ng pangangalat ng bagang at parang nasusuka ako, so pumarada muna ako sa isa sa mga bus stop. At di pa ako nakakalabas ng sasakyan ay nag suka na ako ng nag suka. May 5 minutes din akong nakahinto, kasi di ko alam kung kelan ulit ako susumpungin. Nang mahulas hulasan ako, nagdasal ako kay Lord na tulungan nya akong makaabot sa hospital at makahanap nawa ako ng parking space agad.

Sa awa ni Lord, may bakanteng space sa hospital parking lot. Umuulan pa ng mga time na yon. Dinala ko ang payong at kinuha ko ang hospital bag ko sa likod ng SUV na minamaneho ko. Buti na lang nakapag handa ako 2 weeks ago. Kinakausap ko si baby, di pa sya pwedeng lumabas. Kasi 34 weeks pa lang sya. At saka wala pa si Papa nya.

Dumiretso ako sa ER. Grabe, puno ng tao. Nahihilo ako, sumasakit yung tyan ko, bumibilok. Di ko alam kung sinong lalapitan ko. Nag bayad ako ng consultation at sinubukan kong mag hintay sa normal na pila, pero di ko na matiis ang sakit, parang dumadalas na ang sakit at pag bilok. Naupo ako sa bench, sinubukang pakalmahin ang sarili ko. Pero naisip ko kung mag hihintay ako sa haba ng pila at bagal ng serbisyo, baka manganib kami ng anak ko. Di na ako nag dalawang isip. Kahit di pa nila tinatawag ang pangalan ko, ay pumasok na ako sa loob. Nag hagilap ako ng nurse na pwedeng makatulong sa akin.

Sa awa ni Lord, may nurse agad na nakapansin. Sinabi ko na 34weeks pregnant ako at nakakaranas na ako ng labor pain. Agad nila akong iniupo sa wheel chair at dinala sa labor and delivery. Tinimbang nila ako, at pinalitan ng hospital gown. Agad nilang minonitor ang heartbeat at movement ni baby.

Agad nila akong sinaksakan ng dextrose kasi dehydrated na raw ako. Some sort of food poisoning daw ang nangyari at contaminated daw ang nakain ko. Sinaksakan nila ako ng pampatigil ng paghilab para di agad lumabas si baby. Ang dami nilang kinuhang sample ng dugo sa akin, parang tatlong syringes ata yon. Under observation kami ni baby for 24 hours. Tinawagan ko si tiya, para inform sya na nasa hospital ako at kung pwede na doon muna sa kanila si Ezekiel.

Nakita ako ni Dr. Mili sa L and D department, kaya agad nyang nasabi kay Dr. Chryston Aguillera ang kalagayan ko. Si Dr. Aguillera ay isang kaibigan ko na kasama ko sa ministry. Agad nya naman akong pinuntahan, ipinag pray at ininform ang church to pray for me and Elijah.

Dinalaw din ako nila Ninang Myrin at Ronnie noong hapon. Parang ang haba ng oras sa hospital. Nakakainip yung nakahiga lang ako. Iniadmit na ako noong hapon. Kung ano mang posibleng mangyari ay pinag pasa Dyos ko na lamang.

Halos di rin ako gaanong nakatulog kasi gutom ako, tapos parati nila akong ginigising para kunan ng dugo, i-check ang temperature. Kinabukasan, di pa rin nila ako pinakain. Nag palitan na ng doctor.

Nawala na ang pag hilab ng tyan ko, nawala na ang contraction pero may napansin sila Dr. Efren sa heartbeat ng baby. Parang bumabagal ang tibok ng puso nya at parang di rin gaanong gumagalaw. Kaya nag decide si Dr. Efren na iCS na ako.

Ang bilis ng mga pangyayari. Dinalaw ulit ako ni Dr. Chrys, nag briefing sya sa kung anong procedure at kung anong posibleng mangyari, pinag pray nya din ako bago ako isabak sa operating room.

Kinamaya mayaan, dumating na yung nurse, inihanda na nya ako sa operation, inilipat na nila ako ng kama at dinala na nila ako sa operating room. Tinurukan ako ng anesthesia sa likod, namanhid na ako kalahati ng katawan ko at di ko na namalayan na hiniwa na nila ako. Ganoon pa la iyon, di ka makahinga ng maayos, parang may nakadagan sa dibdib mo. Then nuong lumabas si Baby, sabi nila “it’s a girl”. Nagulat ako.

Indeed the Lord answered my prayer. I heard her cry. Sayang, wala si Mr. para masaksihan ang pag labas ni Michaela Grace. But God gave me such favor na lahat ng staff na nag paanak at nag asikaso sa akin ay Pinoy. Dahil ibang mag alaga ang pinoy, iba pag kapwa mo Pilipino. At bihira yung from nurse, to anesthesiologist, to the doctors na nag paanak sa akin.

Pero ang nakaka amaze doon, ay yung peace na nasa puso ko. Napaka peaceful ng tanghali na yon, na parang wala akong inaalala kahit na wala akong pera, kahit na wala ang asawa ko at alam kong walang mag babantay sa akin, kahit na kulang sa bwan si Baby. Sobrang peaceful ng pakiramdam ko at may kakaibang joy sa puso ko.

Sobra akong nag papasalamat kay Lord dahil sa provision nya, sa pag iingat nya. Tunay ngang napaka buti ni Lord sa lahat ng pag kakataon. Di ko alam kung anong mangyayari sa akin, but I know the Lord will never leave me nor forsake me. He that keeps me neither sleep nor slumber.

Mahina man ako, nag iisa man ako, alam ko ang Panginoon na pinag lilingkuran ko ay buhay, di ako pababayaan at di ako iiwan kahit kailan. Kinaya ko, di dahil malakas ang loob ko, di dahil malakas ang pangangatawan ko, kinaya ko dahil binigyan ako ng katatagan, kalakasan ng Panginoon. Kaya kung nasa sitwasyon ka na tingin mo di mo kaya, nasa sitwasyon ka na di mo alam kung saan ka pupunta, tumawag ka lang sa Panginoong Hesu Kristo, sigurado ako makakayanan mo. Dahil Sya ang Panginoong buhay. He conquered the death para mabigyan ka ng buhay.

For those who are in the situation na akala mo nag-iisa ka, kala mo wala ng solution sa iyong problema, lagi mong tatandaan na may Dyos na handa kang tulungan. All you have to do is call unto Him. And He will answer you, and show you great and mighty things which you do not know. At kung ikaw ay nag hahanap sa mga sagot sa mga katanungan, di mo alam kung saan ka tutungo, I pray that you find the answers to your questions and there is a Shepherd who leave the 99 to find the one that was lost.

God bless.

Michaela Grace
May 15, 2019
4lbs

Tatlong Araw na Byahe

Manila to Hongkong. Hongkong to Nadi. Nadi to Apia. Apia to American Samoa. Eto ang itinerary ko.

Manila to Hongkong… Sisiw. Madali lang ang flight. Parang isang oras lang yata sa pag kakatanda ko. Kaya lang nung bumaba na ako ng eroplano, eto na nag kandaligaw ligaw na ko.

Naligaw ako sa elevator. Oo. Seryoso. Sumakay ako sa elevator, ang dami kong kasama, nung bumukas ang pinto, nagulat ako kasi ako na lang pala ang nasa loob ng elevator. I was wondering kung paano sila nakalabas. Nagpaikot ikot ako, shocks, parang nadaanan ko na ito ah. Confirm. bumalik lang ako sa same floor kung saan ako sumakay ng elevator. Nung sumakay ulit ako sa elevator, napagtanto ko na double ang pinto nya, isa sa harapan at isa sa likuran. At nung nakarating na sya sa second floor, bumukas yung other side. Tangang tanga ako sa sarili ko noon. Tinawanan ko na lang hahaha. Umaga ako dumating doon, mga eight a.m. kaya lang alas singko pa ng hapon ang flight ko. Ang tagal. wala naman akong kakilala sa Hongkong para ipasyal ako kaya naghintay ako sa airport. At isa pa, dala dala ko lahat ng maleta ko. Isang maleta at malaking bag ang dala ko na sobrang bigat. Sabi pag nag check in ako, pwede ko raw makuha ang maleta ko sa final destination?? hmmm nag kamali ba ako ng dinig or talagang dapat iniwan ko yung maleta ko? Para safe, naisipan kong dalhin na lang pero sobrang sakit ng katawan ko.

Sobrang laki ng Hong Kong Airport, nag shuttle pa kami para makalipat sa next terminal for departure. Ilang beses ako nagtry magtanong sa mga local na nandon kaya lang di ko sila maintindihan. Nag observe na lang ako at nakisunod sa agos ng tao. Nag basa ng mga signs kung anong flight na papunta sa Nadi.

Hong Kong to Nadi (FIJI). Sixteen hours ang byahe. Maswerte ako kasi nasa gitna ako, at wala akong katabi. at sa harapan ko ang isang malaking TV. Dumating ako sa NADI ng seven ng umaga. Tapos ang susunod kong Flight papuntang Apia ay nine o’clock pa nang gabi. So nag tanong ako kung saan may hotel at gusto kong maligo, magpahinga, kumain muna. Pinabaunan naman ako ng one hundred dollars.

So pagdating sa Nadi, sumakay ako ng taxi at nag check in sa hotel. Nakalimutan ko na yung hotel na tinuluyan ko, pero ang masarap don ay nakakain ako ng chicken curry nila. Tapos naligo ako sa pool at natulog. Kahit papaano ay naenjoy ko ang Fiji kaya lang di ako nangahas na lumabas at mag gala. Wala akong kakilala at takot akong mawala.

Seven O’clock bumalik na ako sa Nadi International Airport. Nakilala ko naman don si Ate Lisa. Papunta rin ng American Samoa. Madali lang ang byahe namin pa puntang Apia. Siguro mga nasa dalawang oras lang. Alas dose nung nakarating kami ng Apia. Pasarado na ang Airport nila. Buti na lang sa same airport din yung susunod na flight pa puntang Pago Pago. Alas otso daw ng umaga ang unang flight. Gabi na, sarado na ang airport, may mangila-ngilan na taxi driver at mga tambay. Nagtanong ako kung ilang oras papunta sa pinakamalapit nilang hotel sabi one hour pa raw. Di na praktikal kung mag hohotel pa. So nag stay kami sa Airport, tulog nang nakaupo at paputol putol.

Na delayed pa ang flight namin noon, kaya ten o’clock na kami nakaalis. Natakot akong sumakay sa eroplano nung nakita ko. Ang liit kasi. Parang liliparin ng hangin tapos yung ibang nakasakay sobrang lalaking tao. Para silang mga higante. Kung ikukumpara ko ang eroplano at mga tao, sa Pinas sobrang laki ng eroplano, maliliit yung tao, sa Hongkong to Nadi, Medyo lumiit ang eroplano, medyo lumaki yung mga tao, sa Nadi to Apia, mas lumiit yung eroplano at mas lumaki yung mga tao, at eto ang pinakamalupit, sobrang liit na ng eroplano pero sobrang laki na ng mga tao.

Nung sumakay ako, nanginginig ako, nagulat pa ako at may puting usok na parang dry ice na pumapasok sa loob. Pag tingin sa bintana, makikita mo ang kalawakan ng dagat na kung sakaling lalagpak ang eroplano ay di ka rin makakaligtas dahil mga pating naman ang kakain sa’yo. Kahit maganda ang tanawin ay di ko makuhang mag enjoy sa view sa labas. Nakatingin lang ako sa itaas at nagdarasal na sana ay makarating ako ng ligtas.

Sa wakas nag landing na rin kami sa Pago Pago. At least di naman ako nagsuka sa loob ng eroplano. At di naman ako namatay sa nerbyos kung hindi, di ko maisusulat ang karanasan ko.

Lunes nung umalis ako sa Pinas, technically Wednesday na sa Pinas nung dumating ako ng American Samoa. Pero since late ng Isang araw ito, Tuesday pa lang sila. Ang pinakamahabang Tuesday ng buhay ko.

Sinalubong ako nila Tiya at Sherly at Ninong Percy sa airport. At ito ang kwento ng tatlong araw kong byahe papunta sa Pago Pago.

Flashback: Pag-alis ng Pinas

Mabigat ang mga paa, halo-halong emosyon. Lungkot, takot, di pa ako umaalis parang namimiss ko na agad ang mga magulang at mga kapatid ko. Di ko alam kung anong daratnan ko sa banyagang lugar na yon. Di ko maintindihan ang nararamdaman ko, kasi parang naeexcite din ako, syempre first time akong sasakay ng eroplano, makakalabas ng bansa, pero pag naiisip kong di pala bakasyon ang pupuntahan ko, nanlulumo ako. Sana… Maraming sana. Sana mas naging mabuti akong anak at kapatid. Sana mas pinagbutihan ko ang pagtatrabaho, sana di na lang ako nag resign, sana mas naging matalino ako sa pag hawak ng finances ko, sana nagpakasal muna kami ng bf ko. Sana, di na lang ako nangutang at naging maluho. Puro sana. Nasa huli talaga ang pagsisisi. Kinakailangan ko tuloy umalis para mabayaran ang aking nawaldas, mag simula ng panibago sa isang bansang di ko alam kung anong kakahantungan ko. Natatakot ako. Ayokong umalis. Pero naayos na ang lahat, papeles na halos isang taon kong hinintay, yung pamasahe na inutang pa namin. At isa pa, andon naman yung tiyahin at pinsan ko, ano ba ang dapat kong ikatakot?

Niyakap at hinalikan ko si Inay, ganon din ang kapatid ko. Niyakap ko rin si Mike (Ex-boyfriend ko, Nine years na kaming mag boyfriend nung umalis ako sa Pinas. At syempre di kami nagkatuluyan, kaya nga ex na).

“Mag-iingat ka. Tumawag ka agad pag nakarating ka na. Wag tatanga-tanga ha” Ang bilin sa akin ni Nanay habang binibigay sa akin ang hand carry ko. Kita ko na nangingilid ang luha sa kanyang mga mata. Pinipigilan ko rin ang mga luha ko. Ayokong umiyak. Kailangan kong maging matatag, pagnabayaran ko na yung mga utang ko, mag-iipon ako, kukunin ko si Mike, magpapakasal kami, at doon na sa American Samoa bubuo ng pamilya. Papagawan ko ang nanay ko ng dream house nya at tutulungan ko ang mga kapatid kong mapag-aral sila. Mga pangarap ko na nagsisilbing fuel at nagpapalakas ng determinasyon ko na tumuloy. Pagtapos kong mag-paalam sa kanila, ay pumasok na ako para mag-check in. Makalusot sana ako sa immigration.

Nakita kong nakadungaw sa salamin ang Nanay, si Anne at si Mike. Kumakaway at nag papaalam. Ngumiti lang ako at pumila na. Pag tatak ng passport ko ay agad akong pumasok sa loob. Wala nang lingon lingon. Ibinaling ko ang isip ko sa mga dahilan kung bakit ko kailangang umalis ng sagayon ay hindi ko mahirapan. Mahirap, masakit ang pamamaalam pero para naman ito sa mga pangarap namin. Tiis lang. Madali rin namang lilipas ang panahon at makakamit ko rin ang mga pangarap na yon.

Ganito pala kahirap ang mag paalam. Naisip ko ang tatay ko, sanay na siguro si Nanay na mag paalam kasi ilang taong nag pabalik balik sa abroad si Itay. Simula ata nung grade one ako hanggang mag eighteen ako, nasa abroad ang tatay ko. Pero syempre, iba ito. Buhat ng lumabas ako sa sinapupunan nang nanay ko, eto pa lang yung talagang masasabi ko na magkakalayo kami ng matagal, di ko nga alam kung kelan ako babalik. Point of No Return na ba ito? Di pa naman ako mamamatay, mag aabroad lang ako.

Ang daming papaalis nung araw na iyon. Baon ang lakas ng loob at mga pangarap, sinubukan kong makipagsapalaran sa lupang banyaga. Ang pag-alis ang nagbukas sa akin sa maraming opportunities, nagpabago ng pananaw ko sa buhay, nag patatag sa akin, nagturo sa akin ng maraming bagay. Pero sa lahat ng ito, nakita ko ang mga kamay ng Panginoon na kumikilos. May mga nangyari sa buhay ko na nakaayon sa plano ko, pero maraming nangyari na mas maganda na di ko inaasahan.

28 And we know that in all things God works for the good of those who love him, who[a] have been called according to his purpose” Romans 8:28 (NIV)

Isa lamang ang kwento ko, sa libo libong Pilipino na umaalis ng bansa para magtrabaho para mag karoon ng maayos na buhay ang kanilang pamilya. Yung iba, nagiging maganda at maayos, yung iba naman nawawasak yung pamilya nila, yung iba sinuswerte at yung iba minamalas. Iba’t ibang kwento ng pakikipagsapalaran at pakikibaka. Laban lang, kaya yan.

Isaiah 41:10 New International Version (NIV)

10 So do not fear, for I am with you;
    do not be dismayed, for I am your God.
I will strengthen you and help you;
    I will uphold you with my righteous right hand.”

Pag-pinanghihinaan ako ng loob, pag natatakot ako, nag babasa ako ng bible. Binabalikan ko ang mga Pangako ng Panginoon at ang mga salita Nya ang nag papatibay sa akin. Sabi Nya “I’ll strengthen you and help you”

Para sa mga katulad kong OFW dyan, hope this verse reminds you na kasama natin ang Panginoon. At di Nya tayo pababayaan. He’ll strengthen and help us.

Walong taon na ako sa abroad. Namimiss ko na ang Pilipinas, ang mga magulang ko, mameet man lang nila ang dalawa na nilang apo. Makabonding man lang sila at makagawa sila ng memories at magkaron ng parte sa buhay nila.

Dito na lang muna. Hanggang sa muli.

Dito Sa American Samoa

Photo by Pastor Noni Que

Kasalukuyan akong naninirahan sa Pago Pago, American Samoa. Para sa mga di pa nakaka alam tungkol sa lugar na ito, ito ay isang maliit na isla na malapit sa Hawaii. Pago Pago ang spelling but they pronounce it as Pango Pango. US Territory, dollars ang currency. Pero di ito kasing laki ng Hawaii. Di pa rin ganong kasibilisado. Parang nasa probinsya lang. Marami ring mga Pinoy, Chinese, Korean, Vietnamese, Tongan, Fijian at Western Samoan dito.

Dumating ako dito noong October 18, 2011. Sa October 18, 2019, walong taon na ako dito, at di pa rin ako nakakapag bakasyon man lang sa Pilipinas. Ang dami ko nang namissed. Nakatapos na ng pag aaral ang tatlo kong kapatid, nag kapag asawa na ako, nag kaanak, nag asawa na rin yung pangatlo naming kapatid, marami ng birthdays, anniversaries, pasko, bagong taon na pinagdiriwang na hindi ko kasama ang aking mga magulang at mga kapatid.

Ang dami ko pang rason para di pa umuwi, una wala pa akong ipong pamasahe. May kalayuan kasi kaya may kamahalan ang pamasahe. Dati tatlo lang kaming uuwi ngayon, apat kaming mamamasahe. Di pa rin ako okay magpaalam ng ganong katagal sa work. Pero target naming mag asawa, umuwi sa susunod na taon, para makapag bakasyon, Makita ng mga magulang ko yung mga apo nila, maka bonding sila, mameet din nila ang napangasawa ko. Sana, kung ipag aadya ng Panginoon makauwi kaming pamilya na malakas pa ang mga magulang ko. Pinakaayaw kong scenario kung sakaling uuwi ako ay yung tipong may malubhang karamdaman na ang mga magulang ko at kailangan nang mamaalam. Ayon siguro yung pinakamasaklap.

Kahit medyo probinsya dito, medyo huli pag dating sa technology, mabagal ang internet, at ngayon pa lang nauuso ang caller ring tone na laos na laos na sa atin, maganda ring mamuhay dito. Payapa, tahimik, mababa ang crime rate, 25 miles per hour lang takbo ng mga sasakyan, at mababa ang cost of living.

 Anong gusto ko sa lugar na ito?

  1. Dito ko nakilala si Lord – I got saved by my Lord and Savior Jesus, September 30, 2012. May mga taong nagpakilala sa akin kung sino si Jesus nung nasa Pinas pa ako. Pero dito ko lang naunawaan kung bakit at naexperience ang kabutihan nya. Sobrang humbling nang new beginnings ko dito sa isla na ito.
  2. Payapa – Walang barilan, may konting nakawan pero di naman brutal. Pagkain yung karaniwang nawawala. Wag kang mag iiwan ng pag kain sa ref sa office kasi mawawala yan. Napakababa ng crime rate.
  3. Freedom – Dito, we have the freedom to worship. May ibang country bawal kang mag worship, bawal kang makitaan ng bible, o kahit sambitin mo lang ang pangalan ni Jesus bawal din. Pero dito malaya kang mag share ng gospel. Ang makakahinder lang siguro sa’yo ay ang sarili mong will.
  4. Mababa ang Cost of Living – Unlike other countries na di ka pwedeng umalis ng bahay ng wala kang dalang pera, dito pwede. Need a ride, just call a friend. Wala kang makain, lakad ka lang sa tabi tabi, daming puno ng saging, breadfruit, papaya, pwede kang mag tanim ng saluyot, kakong at kung anu-ano. Pag may occasions, may kainan. At di nawawalan ng kainan. Kaya marami dito na pag dating payat, after one week, pwede kang mag gain agad ng 5lbs.

Madami pa akong kwentong OFW. Kwento ng pakikipagsapalaran namin dito, kwento ng pakikipag kaibigan, kwentong may aral, kwento ng katapatan ng Dyos sa aming buhay. Kung Pinoy ka, at nasa ibang bansa ka rin, ano mang trabaho mo, alam ko mahirap mawalay sa pamilya. At bago matapos ang blog na ito, I’ll leave a simple prayer for you.

Lord, I pray for OFWs all over the world, may you bless them po. I pray Lord na i-comfort mo po sila during the times na namimiss nila yung pamilya nila, Lord I pray for all OFWs out there na nakikibaka, nakikipag sapalaran, iniwan ang family nila para mabigyan sila ng better future. Tulungan Nyo po sila, bigyan nyo po sila ng lakas, katatagan ng loob at katawan. Ingatan Nyo po sila at ang kanilang pamilya. I speak blessings upon them Lord, provisions, strength, guidance and protection. In Jesus name, amen.